SA susunod na Synchronized National and Local Elections sa May 2028, sa muli ninyong pagharap sa mga kabayayan, ano ang inyong isusulit sa publiko? Ano ang ginawa ninyo sa inyong pag-upo ngayon, at paano kayo gumanap sa inyong mga sinumpaang tungkulin? Yan, marahil ang sana’y sumasagi sa mga isipan at kalooban ng mga halal na opisyal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa mga panahong ito ng pagsisimula ng inyong term, 2025-2028.

Noong Lunes, Hulyo 7, pormal na humarap sa publiko si Governor Vilma Santos-Recto, sa unang pagkakataon sa paniyang pagbabalik sa panlalawigang kapitolyo, kung saan ay inilahad niya ang magiging direksyon ng kaniyang 3-taong pamamahala bilang Ina ng Lalawigan ng Batangas. Bahagi ng kaniyang talumpati sa Regina Mandanas Memorial DREAM ZOne, ang kaniyang hangarin na isang maayos at smooth working relationship with the Sangguniang Panlalawigan na pinamumunuan ni Vice Governor Hermilando I. Mandanas. [Sa nakalipas na halalan, si VG Mandanas ang tumalo by landslide vote kay Luis Manzano na anak at running-mate ni Gov. Santos-Recto.]
Ngunit ilang oras makalipas ang inaugural address ng gobernadora, tila kakaibang hangin ang sumimoy sa Sangguniang Panlalawigan.
Sa kauna-unahang sesyon ng Sangguniang Panlalawigan, tumagal ng limang oras ang debate ukol sa Internal Rules of Procedure (IRP), ang sinasabi nilang ‘Biblia’ ng mga bokal sa kanilang lingguhang sesyon. Bakit nangyari ito?
Ayon sa Seksyon 50 ng Local Government Code, sa unang sesyon at hanggang sa ika-90 araw ng pagsisiumula ng kalendaryo ng Sanggunian, kailangang mapagtibay ng konseho ang pag-adopt o pag-amyenda sa umiiral na Internal Rules of Procedure (IRP) o magpasa ng bago.
Sa kauna-unahang sesyon, nagmosyon si Bokal Aries Emmanuel Mendoza (Bibong) ng Lipa City Lone District na ipasa ang isang amended version ng IRP. Ngunit para kay VG Dodo, hindi kailangang madaliin o ipasa kaagad sa araw na iyon ang resolusyong mag-amyenda sa lumang IRP sapagkat kailangang mapag-aralamn muna ito ng mga kasapi ng SP, lalo na ng mga bagong halal na mga bokales; kung kaya ini-refer ito sa Committee on Ethics, Good Governance and Accountability (na isa ring En Banc Committee).
Magkaiba rin ang paniniwala ng VG at ilang mga bokal kaugnay ng pag-iral ng IRP. Ayon kay VG Dodo, hanggat hindi pinawawalang saysay ng isang Sanggunian, ay itinuturing na nananatiling umiiral pa rin ang IRP na pinagtibay ng sinundang konseho noong 2022. Ayon naman kay BM Bibong, wala ng bisa ang naturang IRP at ipinagpapalagay nang walang uriiral na IRP sa ngayon.
Dito na umikot ang ilang oras na diskusyon ukol sa IRP at sa bersyon na gustong ipasa ng grupo ni BM Bibong. Nang mga oras na iyon ay wala pang kopya ng nasabing bersyon ng IRP ang mayoriya ng Sanggunian, maging ang VG bilang presiding officer.
Nung lumaon ang diskusyon ay saka pa lamang ipinamahagi ang kopya ng kontrobersyal na IRP.
Ano nga ba ang nilalaman ng amended IRP at bakit kinakailangang ipasa na ito batay sa bilang ng boto, kahit hindi pa napapag-aralan o nababasa man lamang ng karamihan sa mga kasapi ng konseho?
Para kay VG Dodo, ito ang dahilan kung bakit kailangang talakayin muna sa committee hearing ang nilalaman ng IRP kung saan ay lahat namang miyembro ng SP ay miyembro rin ng naturang komite. Kalaunan ay nagkasundo rin na talakayin sa komite ang naturang IRP.
Ngunit nakapagtataka rin lang na bakit gustong madaliin ang pagpapasa ng naturang amended IRP at gustong ipasa kaagad ito kahit hindi pa nababasa o magka-kopya man lamang ang mayoriya ng SP.
Mabilisang delivery of government services nga ba ang dahilan nito? Parang hindi naman. Ano nga bang pag-amyenda ang inilagay rito at ayaw munang talakayin? Over the weekend, inabot pa ng madaling araw ng Sabado ang pagtalakay noong Biyernes, at binalikan pa nila ito noong Linggo.
Over the grave vine, nakarating din sa ating kaalaman na gusto palang alisan ng pagtisipasyon ang bise gobernador sa anumang talakayin sa konseho, kung kaya’t hindi siya isinali sa alin mang komite, maging sa Commitee En Banc! Ha? At yung tatlong bokales na dumalo sa Oath Taking Ceremony ng VG — BM Alfredo Corona at Rodolfo Balba ng Ikatlong Distrito at BM Melvin Vidal ng Ika-4 na Distrito at binalak ding alisan ng Committee chairmanship. Ito nga kaya ang smooth sailing Sanggunian na ninanais ni Gov. Vilma Santos-Recto upang masiguro ang maayos na ugnayan at pagtutuwang ng executive at legislative para maibigay ang pinakamaayos na serbisyo publiko sa mga Batangueno?
Abangan…|