27.8 C
Batangas

Bato-bato sa Langit, sa Senado’y Nawawaglit

Must read

Sabi nila, ang isang bato ay nakatalaga para maging matatag at malakas. Ngunit sa ating kasalukuyang Senado, ang isang bato na nahalal para magtrabaho ay tila mas gusto lamang na manatiling nakatirik. Paanong ang isang taong nangaral ng mahigpit na pagsunod sa mga patakaran ay siya ngayong nagpapakita ng matinding kawalan ng batayang disiplina upang pumasok at gampanan ang kanyang trabaho?

Ang pagiging mambabatas ay hindi isang titulong inilalagay lamang sa pangalan, bagkus ito ay isang mandatong sinumpaan ng presensya, pagsusuri, at masigasig na pakikilahok. Ngunit sa pagtatala ng 31 na pagliban sa loob lamang ng 58 na sesyon ng Senado, tila naging isang malungkot na paalala ang silya ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Sa bawat araw na absent ang senador, ang boses ng mahigit 20 milyong botanteng nagluklok sa kanya ay pawang naglalaho sa hangin. Subalit subukan nating bisitahin ang kanyang Facebook page. Tiyak doon natin matatagpuan ang kanyang tunay na bulwagan.

Punung-puno ng mga bersikulo mula sa Bibliya, mga alaala kay dating pangulong Duterte, at pagpuri sa mga Duterte. Wala itong problema kung personal na interes lamang ito, ngunit kung ang isang mambabatas ay mas aktibo sa social media, anong uri ng representasyon ang ating nakukuha?

Nakakapanindig-balahibong kaya niyang magpakita ng tapang at igiit ang kanyang mga opinyon online o mula sa malayo, ngunit naglalaho ang tapang na ito pagdating sa mismong bulwagan kung saan siya sumumpang maglilingkod. Ito ay isang tuwirang pagtataksil sa mismong tatak ng “disiplina” na naging puhunan niya upang maluklok sa kapangyarihan.

Kung ang isang ordinaryong manggagawang Pilipino ay lumiban sa trabaho nang walang pasabi o balidong dahilan, tiyak siya ay haharap sa memo, kaltas sa sweldo, o pagkasisante sa ilalim ng polisiyang “No Work, No Pay.” Ngunit tila ang patuloy na pagliban ni Senador Dela Rosa habang patuloy na tumatanggap ng buong sweldo at mga benepisyo ay isang sampal sa milyon-milyong Pilipinong nagbabanat ng buto araw-araw.

Napakadaling mag-utos at magpataw ng parusa sa mga ordinaryong mamamayang nagkakamali, ngunit tila napakahirap ipatupad ang disiplina sa sarili kapag nakaupo na sa komportableng silya ng tagumpay.

Ang kawalanghiyaang ito ay isa ring tuwirang pag-aaksaya ng buwis. Bawat senador ay pinopondohan ng milyon-milyong piso taon-taon hindi lamang para sa kanilang sweldo, kundi para sa operasyon ng kanilang opisina, pasweldo sa mga staff, at pondo para sa pananaliksik at pagdinig. Kapag ang isang senador ay missing-in-action, ang buong makinarya ng kanyang opisina na pinopondohan ng taumbayan ay nawawalan ng saysay. Pawang binabayaran ng mga mamamayan ang isang serbisyong hindi naman naibibigay.

Ang pag-normalize sa ganitong kultura ng pagliban, lalo na para sa mga personal na paglalakbay sa labas ng bansa, ay nagpapababa sa kalidad ng ating pamahalaan. Ginagawa nitong mistulang social club o tambayan ang Senado, kung saan ang mga opisyal ay maaari na lamang pumili kung kailan nila gustong magtrabaho, na sumisira sa tiwala ng publiko sa ating demokratikong sistema.

Ang Senado ay hindi isang work-from-home na setup kung saan sapat na ang mag-post sa Facebook ng mga Bible verses at papuri sa mga kaalyado. Kapag ang isang senador ay absent nang higit sa kalahati ng mga sesyon, hindi niya tinutupad nang “mahusay at buong katapatan” ang kanyang tungkulin. Literal niyang iniiwan itong nakatiwangwang.

Ang baluktot na prayoridad ng isang mambabatas ay lumilikha ng isang mapanganib at nakakalasong pamantayan para sa kinabukasan ng politika sa ating bansa. Kung hahayaan nating maging katanggap-tanggap ito, unti-unti nating pinapatay ang esensya ng gobyerno.

Huwag nating bigyan ng lisensya ang mga susunod na henerasyon ng mga politiko na isiping ito ay isang tropeyong isinasabit lamang sa pader at hindi isang tungkuling pinagpapawisan. Ang pagiging mambabatas ay hindi pagiging isang influencer na sumusukat sa tagumpay sa pamamagitan ng mga algorithm, views, at likes.

Ang panawagan para sa mas maayos na lipunan ay hindi kailanman magkakaroon ng hugis kung ang mga mismong arkitekto ng ating mga batas ay mas madalas pang mag-log in sa Facebook kaysa mag-log in ng kanilang attendance sa Senado. Hindi natin kailangan ng mga pinunong matatapang lamang sa salita, sa post, at sa larawan.

Ang Pilipinas ay matagal nang nagugutom sa mga lider na may lakas ng loob na magpakita, tumayo, at makipagbuno para sa tama—dahil ang kamay na bakal na iniiwan lamang ang silyang pinagkatiwalaan ay unti-unting kakalawangin, mabubulok, at sisingilin din ng ating kasaysayan.|

- Advertisement -spot_imgspot_imgspot_imgspot_img

More articles

MANILA, Philippines — House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III on Monday, May 4, emphasized the critical role of the Legislative Energy Action and...
GENERAL TRIAS CITY, Cavite — The Cavite-Laguna Expressway (CALAX) Subsection 3 formally opens on Monday, May 4, marking a significant development in Southern Luzon's...
MANILA, Philippines — Senator Risa Hontiveros has formally moved to lower electricity costs for Filipino households by filing a bill that seeks to remove...
- Advertisement -spot_img

Latest article

- Advertisement -spot_img