Ang eskwelahan daw ang ating “pangalawang tahanan,” pero sa mga nangyayari ngayon, parang nagiging “pangalawang sementeryo” na ito. Kamakailan lang, ginimbal tayo ng balita tungkol sa pamamaril sa loob mismo ng Ateneo de Zamboanga University (ADZU) Junior High School noong ika-18 ng Agosto.
Akalain mo ‘yun? Imbes na lapis at libro ang bitbit ng ilang estudyante, baril at patalim na ang pinapasok sa gate. Hindi na ito simpleng away-bata na nadadaan sa pag-shake hands sa principal’s office. Malalang krisis na ito kung saan kailangang panagutin nang tama ang mga kabataang may sapat na pag-iisip (discernment), at tigilan na ng lipunan ang paghahanap ng “cheat code” para makatakas sa pananagutan sa pamamagitan ng pagsisi sa mga video games.
Ang batas na dapat sanang pumoprotekta sa mga inosente ay ginagawa na lang pananggalang ng mga kabataang alam na alam ang ginagawa nila. Sa madaling salita, ang mga juvenile offenders ngayon ay masyado nang maalam sa batas—hindi na sila inosente, kundi “in-no-sense” na ang sistema dahil pawang kinukunsinti sila nito.
Silipin natin ang mga probisyon ng Republic Act No. 10630 na nag-amyenda sa RA 9344. Malinaw na sinasabi rito na ang isang bata na labinlimang (15) taong gulang pababa sa oras na ginawa ang krimen ay awtomatikong ligtas o “exempt” sa pananagutang kriminal. Sa halip na papanagutin, isasailalim lamang ang bata sa isang intervention program.
Ang mas nakapanlulumo pa, nakasaad sa batas na kapag ang bata ay kinustodiya at nadiskubreng 15 taong gulang pababa, tungkulin ng awtoridad na ibalik agad ang bata sa kustodiya ng kanyang mga magulang o guardian. Isasailalim lamang siya sa isang community-based intervention program maliban na lang kung talagang kinakailangang dalhin ang bata sa isang youth care facility o ‘Bahay Pag-asa’ para sa sarili nitong kapakanan. Nasaan ang bigat ng hustisya roon para sa biktima?
Paano naman ang mga mas nakatatandang menor de edad? Nakasaad na ang batang higit sa 15 taong gulang ngunit pababa ng 18 taong gulang ay ligtas pa rin sa pananagutang kriminal, maliban na lamang kung kumilos siya nang may discernment. Kung napatunayang may sapat siyang pag-unawa sa tama at mali habang ginagawa ang krimen, saka pa lamang siya isasailalim sa kaukulang proseso ng batas.
Totoo, nilinaw ng batas na ang pagkaligtas sa pananagutang kriminal ay hindi nangangahulugang ligtas ang salarin sa pananagutang sibil, na ipapatupad ayon sa mga umiiral na batas. Ngunit dito lalong pumapalya ang konsepto natin ng katarungan.
May mga kabataan pa ngang buong-yabang na nag-uusap sa social media, kinakalkula kung anong edad sila muling makakalaya dahil alam nilang protektado sila ng batas. Anong akala nila sa buhay ng tao, gadget na pwedeng bayaran nang hulugan? Ang pagpapamalas ng awa sa mga kriminal na bata ay hindi dapat maging katumbas ng kawalang-awa sa mga naging biktima nila.
Pero siyempre, tuwing may nagkakasaksakan o nagkakabarilan sa paaralan, ano ang “default setting” na palusot ng mga matatanda at pulitiko? Isisi sa online shooting games. Kesyo na-impluwensyahan daw kaya naging bayolente.
Sa kabilang banda, iginigiit din ng mga tagapagtanggol ng kasalukuyang batas na ang mga bata raw ay dapat bigyan ng tsansang magbago sa rehab at hindi dapat ikulong, kaya kahit umulit pa sila sa paggawa ng krimen, ibabalik lang sila ulit sa Bahay Pag-asa.
Maling-mali ang ganitong pananaw. Huwag nating isisi sa controller ang sablay na pagpapalaki o ang mga butas sa sistema. Milyon-milyong tao ang naglalaro ng bayolenteng video games araw-araw, pero napakaliit na porsyento lang ang gumagawa ng karahasan. Kailangang matuto tayong paghiwalayin ang correlation (pagkakaugnay) sa causation (sanhi).
Ang itinuturo nga minsan ng paglalaro ay diskarte, tiyaga, at problem-solving, at hindi ang manakit ng tao. Imbes na ipako ang atensyon sa laro, mas mabuting itanong natin: Paano nakakuha ng baril ang isang bata? Kung karamihan ng armas ay nakukuha nila sa pamilya o kakilala, hindi ba dapat lalong pag-igtingin ang firearm and ammunition regulations? Nasaan ang walang-awang crackdown ng gobyerno laban sa mga loose firearms o mga hindi rehistradong baril?
Huwag tayong maglokohan. Alam nating hindi pangmatagalang solusyon ang sapilitang pagpapagamit ng transparent bags o ang araw-araw na bag frisking sa mga gate ng paaralan. Para lang nating tinapalan ng band-aid ang isang malalim na tama ng bala.
Higit pa rito, ang pagsasagawa ng mga active shooting drills sa mga pampublikong paaralan ay nagdudulot lamang ng panibagong patong ng takot at matinding trauma sa mga bata. Sinasanay natin silang magtago sa ilalim ng desk, imbes na siguraduhing malinis ang ating lipunan at wala silang kailangang pagtaguan.
May mga warning signs ba na hindi napansin ng mga matatanda? Ano ba ang lagay ng mental health ng mga kabataan sa loob at labas ng kanilang paaralan? May bullying rin ba o kapabayaan sa loob ng bahay?
Hindi natin malulutas ang madugong realidad sa ating mga paaralan kung panay ang pindot natin ng pause at escape sa totoong isyu. Panahon na para seryosong repasuhin ang ating Juvenile Justice Law. Kailangan nating timbangin ang pagbibigay ng ikalawang pagkakataon sa mga tunay na naligaw ng landas, at ang pagpataw ng kamay na bakal sa mga nagkukubli sa uniporme ng estudyante ngunit may isip-kriminal.
Kung kabataan nga ang pag-asa ng bayan, paano natin ito aasahan kung sila-sila ngayon ay nagpapatayan? Ibalik natin ang mga paaralan bilang ligtas na santuwaryo ng kaalaman, at huwag nating hayaang maging sementeryo ito ng mga pangarap.
Dahil kung may sapat na isip at tapang ang isang bata para kumitil ng buhay, dapat may sapat ding ngipin ang batas para iparamdam sa kanya na ang totoong buhay ay walang respawn—at ang hustisyang patuloy na ipinagkakait ay dugong patuloy na dadanak sa kamay ng susunod na henerasyon.|




















