30.4 C
Batangas

Bato, Bato, pICC

Must read

Sa pulitika ng Pilipinas, madaling magpanggap na matigas na bato habang hawak mo ang makinarya ng kapangyarihan. Ngunit sa oras na maningil ang hustisya, nakakasukang makita kung paanong ang mismong batong kinatatakutan ng marami ay nagkukumahog na gawing personal na lungga ang mga pader ng Senado. Sa larong bato-bato-pick ng pananagutan, gaano man katigas ang porma ng kapangyarihan, madadapa ito sa pagtakbo palayo sa isang arrest warrant—ang nagbabadyang kalampag ng International Criminal Court (ICC).

Huwag tayong magpaloko sa biglaang pagiging “masipag” ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa. Ang kanyang muling pagtapak sa Senado noong ika-11 ng Mayo ay hindi udyok ng tawag ng tungkulin, kundi pawang desperado at kalkuladong pamumulitikang pabor sa mga katulad niyang kaalyado ng mga Duterte. Sa isang panayam kinabukasan, tinanong ni Karen Davila ang dahilan ng biglaan niyang pagpapakita sa Senado. “Unang-una, magkakaroon ng change of leadership sa Senado,” pag-amin niya na animo’y ipinagmamalaki pa ang kanyang lihis na prayoridad sa nakalipas na anim na buwan niyang pagliban.

Sapat na ang mismong mga lumabas sa bibig ng Senador. Ang pakay niya ay malinaw: ang sementuhin ang posisyon ng kanilang alyansa sa pamamagitan ng pagsuporta sa pag-upo ni Senador Alan Peter Cayetano bilang bagong Pangulo ng Senado.

At sa halip na harapin nang buong giting ang mga akusasyon sa labas, mas pinili niyang kaladkarin ang buong kapulungan sa sarili niyang krisis. Ito ang naging mitsa ng matinding kaguluhan at pagbaba ng dignidad ng Senado noong Miyerkules nang gabi, ika-13 ng Mayo.

Walang pisikal na nasugatan sa nangyaring putukan ng baril, ngunit ang nangyari ay malinaw na patunay na kapag dinala mo ang iyong pagtakas sa loob ng gobyerno, taumbayan ang nalalagay sa peligro.

Siyempre pa, hindi magpapahuli ang mga bulag na tagapagtanggol upang bihisan ng kabayanihan ang isang tahasang pag-iwas sa batas. Nanguna pa sa pag-resbak si Senador Robin Padilla noong Martes at pilit inilalako sa publiko na, “May ipinaglalabang prinsipyo itong (ang) taong ito, hindi siya kriminal.”

Bukod dito, iginigiit pa ng ilang mga taga-suporta na itigil na ang umano’y pamumulitika gamit ang ICC at unahin ang mga “tunay” na problema ng bayan—isang napakagandang palusot upang takasan ang humahabol na hustisya na tila ba ang pag-iwas sa warrant of arrest ng ICC ay isang malaking sakripisyo. Ito ay malinaw na paggamit ng mababaw na simpatiya mula sa taumbayan bilang isang smokescreen o panakip-butas upang pagtakpan ang lantarang pambabastos sa pandaigdigang batas.

Nakakapanindig-balahibo ang ganitong antas ng kaplastikan. Sa dami ng kapritso at sirkus sa gobyerno, hindi kataka-takang umugong ang matinding hinala sa social media na ang putukang nangyari ay isa lamang gawa-gawang distraction para ilihis ang atensyon ng taumbayan mula sa impeachment ni Bise Presidente Sara Duterte at sa pag-aresto kay Bato.

At hindi natin masisisi ang publiko. Nawalan na ng kredibilidad ang ating gobyerno gayong mas tapat ang mga pulitiko sa kanilang mga kaalyado kaysa sa Konstitusyon at taumbayan. Huwag nilang insultuhin ang taumbayang ilang taong nanood sa pagdanak ng dugo. Habang ipinagtatanggol nila ang pag-iwas ni Bato sa ICC, nilalapastangan nila ang alaala ng libu-libong pinatay nang walang kalaban-laban noong War on Drugs.

Ang ipinaglalaban ba ni Bato ay prinsipyo, o ang sarili niyang kalayaan mula sa hustisya? Kapag ang Senado ay naging kuta ng mga magkakaibigang nagtatakipan ng kasalanan, hindi na ito gobyerno—isa na itong sindikato.

Hindi nakukuha sa bato-bato-pick ang katarungan. Oras na para balutin na ng papel ng batas ang nagmamatigas at ibigay sa taumbayan ang hustisyang matagal nang ninakaw sa kanila. At ang Senado ay dapat manatiling sagradong lugar para sa pagbabalangkas ng mga makatarungang batas para sa taumbayan. Hindi dapat natin sinusundan ang laro ng mga pulitikong takot makulong. Hindi maikukubli ng mga putok ng baril o ng drama ng mga kaalyado ang nalalapit na paghuhukom dahil may hangganan ang kapangyarihan.

Ang kampong nagmamalaking matapang at may “kamay na bakal” noon ay siya ngayong nanginginig at nagtatago sa ilalim ng palda ng institusyon. Senador dela Rosa, tila umikot ang mundo upang maningil ang kasaysayan sa isang napakagandang kabalintunaan.

Ngayon ay ibinabalik ko sa’yo ang walang kagatol-gatol mong salita para ipaglaban ang madugong Oplan Tokhang, “Kung wala kang kasalanan, bakit ka matatakot?” Panahon na upang panindigan mo ang sarili mong mga salita: harapin mo ang papel ng ICC, at patunayan mong wala kang dapat ikatakot. Ang pagtakbo mong ito ay hindi gawain ng isang inosente kundi repleksyon ng mismong takot na minsang hinamak mo sa iba.|

- Advertisement -spot_imgspot_imgspot_imgspot_img

More articles

MANILA — In a major step toward streamlining government services, the House of Representatives has approved House Bill No. 8876 on second reading. The...
Pre-order now until May 29 to get a FREE HONOR Camping Light Speakers   MANILA, Philippines — LEADING global AI smart devices provider HONOR Philippines today unveiled the all-new...
The United States Under Secretary of State for Economic Affairs Jacob Helberg will travel to the Philippines and Singapore from May 17 to 21...
- Advertisement -spot_img

Latest article

- Advertisement -spot_img